From a father to a son..

BILIN
ni Gary Granada

Kung iyong mamarapatin
Dinggin ang tanging pamana
Mga mumunting habilin
Ng isang kaibigan at ama

Habang maaga’y matutunan
Ang mamuhay ng payak
Habang marami kang kailangan
Ang bagahe’y bumibigat

Ang nag-iisang dila
Dapat may isang salita
Totoo ang pagpapalang
Galing sa totoong gawa

Kung tutuusin ay kay dalas na banggitin
Lumang mga salawikain
Kung tutuusin ay kay daling intindihin
Bakit parang kay hirap gawin

Marami ang nahihirapan
Kakaunti ang marangya
Kaya huwag kang magpakayaman
Huwag ding magpapakadukha

At mag-ingat kang parati
Sa mga taong marahas
Maging sing-amo ng kalapati
Ngunit sing-ilap ng ahas

Laging marunong umunawa
Lahat ay nagkakamali
Patawarin ang iyong kapwa
Pati ang sarili

Kung tutuusin ay di sa akin nanggaling
Ang mga kasabihang ito
Kung tutuusin ito ay para sa akin din
Galing sa tatay ng tatay mo

Gaya rin ng panaginip
Pag-ibig ay nabibigo
Damahin mo sa iyong isip
At pag-isipan sa puso

Huwag mong masyadong seryosohin
At sisikip lang ang dibdib
Di bawal ang masayahin
Dito sa ibabaw ng daigdig

Kung susukatin mo ang buhay
Wala sa haba o ikli
Basta’t sikapin mong mabuhay
Sa lahat ng sandali

One thought on “From a father to a son..

  1. For me, Gary Granada has the sexiest brain of all. I attend all his lectures and forums here in school. Do you happen to be in Diliman, Leikela?

Comments are closed.