ni sadirmata
Hinahagkan ako ng pawis ng init at maraming tiyaga. Hinihilot
ako ng pag-aalala ng nananabik na buwan. Hilamusan mo
ang aking batok ng mga mumunting haplos. Kumutan mo ako
ng mga bulong at maraming pagkaubos.
Sipingan mo ako sa kabilugan ng buwan, pahiran mo ako ng hamog.
Hinahagkan ako ng pawis ng init at maraming tiyaga. Hawak-kamay
kita sa yapos ng buwan, huwag mong payagang ako’y makatakas, hulihin mo
ako sa bawat paghahatinggabi ng dapitgabi. Hilamusan mo
ang aking batok ng mga mumunting haplos.
Pigilan nga natin ang bulalakaw, hipan mo ang noo ko ng alab. Dinidilaan
ako ng buwan, huwag mo akong hanapin sa karimlan, hinahagkan ako ng pawis
ng init at maraming tiyaga. Nag-aanyaya na ang dahon sa kaway na sunod-sunod.
Salingin mo ako ng maraming pagkakaisa, ng maraming pagliligtas.
Hilamusan mo ang aking batok ng mga mumunting haplos.
Balutin natin ang bukang-liwayway ng maraming paggising at siga. Kantahan natin
ang idlip ng magdamag na kahulugan. Hinahagkan ako ng pawis ng init
at maraming tiyaga, hilamusan mo ang aking batok ng mga mumunting haplos.
great poetry…